Mga Hinaing ng Kababaihan, Isinigaw sa Women’s Forum ng Gabriela!

Santiago City, Isabela- Bilang bahagi ng Women’s Month Celebration ngayong buwan ng Marso ay nagsagawa ng Women’s Forum ang Gabriella Partylist kamakailan upang talakayin ang ilan sa mga isyung kinakaharap ng mga kababaihan ngayon.

Ito ay dinaluhan ng ibat-ibang pangkat na kinabibilangan ng United Methodist Women, Catholics Women’s League, Innerwill Club Santiago, Rural Improvement Club, Gabriela Cagayan Valley, Episcopal Women at Cancer Support Group (Buhay Ka Isabela).

Sa pakikipanayam ng RMN Cauayan News Team kay Arlene Brosas, Representative ng Gabriela Partylist, layunin ng kanilang programa na ipaabot sa gobyerno ang ilan sa mga hinaing ng mga kababaihan lalo na sa mga manggagawang nakakaranas ng pang-aabuso na hindi umano napapakinggan ng gobyerno.


Ilan sa kanilang isinusulong at ipinaglalaban ay ang tamang pasahod sa mga kababaihang manggagawa na kinabibilangan ng mga farm workers, non-regular workers, entrepreneurs at pagtanggal sa “Train Law” ni Pangulong Duterte.

Ibinabandila din ng kanilang partido sa kongreso ang pagkakaroon ng Security of Tenure o regularisasyon sa trabaho at Agrarian Reform Bill upang matulungan din ang mga basic sector ng bayan na umangat sa kabuhayan.

Aniya, doble umano ang opresyon na nararanasan ngayon ng mga kababaihan dahil umano sa kasarian at sa klaseng puri na meron ito bilang isang mangagawa.

Dahil dito, patuloy ang kanilang paglaban at pagsulong para sa ikabubuti at pag-angat ng mga kababaihan sa ating bansa.

Payo pa ni Brosas, magtuloy-tuloy lamang sa pagtatanggol sa kapwang inaapi, magmulat at tulungan ang isa’t-isa tungo sa pag-unlad ng bayan.

Facebook Comments