Naniniwala ang Philippine Army na dalawang hinihinalang babaeng suicide bombers na kanilang tinutugis ang nakatakas kasunod ng pagkakapatay sa apat na sundalo sa Jolo, Sulu.
Ayon kay Army Chief Lieutenant General Gilbert Gapay, ang dalawang babae ay pinaniniwalaang ikinasal sa mga lalaking sangkot sa suicide bombing attacks sa bayan ng Indanan noong nakaraang taon.
Giit ni Gapay, matutunton na sana ang mga ito pero nawala ang oportunidad nang mangyari ang shootout incident.
Batay sa kuha ng CCTV, makikita ang ilang sundalo na dumating sa pinangyarihan ng insidente matapos mapatay ang mga kasamahan nila.
Walang pulis ang nakita sa crime scene nang dumating ang mga sundalo.
Ang mga nasabing sundalo ay bahagi ng “takedown team” na tumutugis sa mga suspected terrorists.
Nais ni Gapay na mahanap ang bahagi ng CCTV footage kung saan nakuha ang pagpatay sa apat na sundalo.