Mga hog raiser, 100% umanong nakasusunod sa MSRP ng karneng baboy — SINAG

100% umanong nakakasunod ang mga hog raiser sa pagpapatupad ng MSRP sa karneng baboy.

Ito ang iniulat ni Samahang Industriya ng Agrikultura Chair Rosendo So sa sidelines ng 31st National Hog Convention sa Quezon City.

Ayon kay So, sa nakalipas na dalawang linggo ay hindi lumampas ang mga hog raisers sa napagkasunduang Php230/kilo na farmgate price ng baboy.


Aniya, sa kabila ng mga paghihirap na pinagdaraanan ng naturang sektor, patuloy silang nakakapag-ambag sa pagsisikap ng Department of Agriculture (DA) na mabawasan ang presyo ng karneng baboy.

Sa ngayon aniyang hirap ang mga hog farmer na makabawi sa epekto ng African Swine Fever (ASF) at sa pagtaas ng gastos sa biosecurity at sa pakain upang makapagparami ng alagang baboy sa bansa.

Dagdag ni So, kung mababa pa rin ang pagsunod sa MSRP sa mga retailer, dapat na magkasa ng isa pang konsultasyon sa buong industriya ang DA upang malaman ang mga problema sa logistics.

Aniya, ang pangako para sa pork MSRP ay nagkakaisang desisyon ng lahat ng mga stakeholder bago ang pagpapatupad nito.

Facebook Comments