Inatasan ng Office of the Court Administrator (OCA) ang lahat ng judges o hukom na bisitahin ang mga jail facility na sakop ng kanilang hurisdiksyon bago matapos ang buwan ng Mayo.
Ito’y kasunod ng inilabas na circular ng tanggapan kaugnay ng flexible work arrangement at adjusted na oras ng operasyon ng mga korte mula alas-7:30 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon mula April 5 hanggang May 31 dahil sa matinding init ng panahon.
Batay sa panibagong circular ni Court Administrator Raul Villanueva, inaatasan ang mga hukom mula sa lahat ng first at second level courts na bisitahin ang nasasakupang jail facility para malaman ang kondisyon ng Persons Deprived of Liberty (PDL) sa harap ng halos araw-araw na mataas na heat index.
Bukod pa ito sa mandato ng mga hukom na regular quarterly visit sa mga kulungan.
Batid ng OCA ang posibleng negatibong epekto rin ng matinding init sa mga PDL dahil siksikan ang sitwasyon sa mga pasilidad, kaya dapat malaman ang kanilang kondisyon para agad ding magawan ng solusyon.
Pinagsusumite ng Court Jail Visitation and Inspection Report ang mga hukom sa kanilang Executive Judges, limang araw matapos bumisita sa jail facility kung saan ipapasa ito ng mga Executive Judges sa Court Management Office at OCA.