Ipinagutos na ni Philippine National Police Chief General Debold Sinas ang province-wide manhunt operation laban sa mga illegal loggers sa Cagayan na nanambang sa mga pulis.
Nitong nakalipas na Huwebes ng gabi, rumesponde ang mga pulis sa pangunguna ni PLt Randy Baccay, ang Deputy Chief of Police ng Pañablanca Police Station sa Sitio Dalayat, Minanga, Lagum Peñablanca, Cagayan.
Ito ay matapos na makatanggap ng report na may mga pinutol na puno sa lugar.
Habang iniinspeksyon ito ng mga pulis ay pinagbabaril sila ng mga suspek dahilan ng pagkasugat ni Police Lt Baccay.
Agad namang nakaganti ng putok ang mga pulis hanggang sa maaresto ang isa sa mga suspek na kinilalang si Ernest Sibbaluca, 45 anyos at residente ng Barangay Minanga, Peñablanca, Cagayan.
Habang nakatakas ang iba pa at ngayon ay patuloy na tinutugis ng mga pulis.
Ayon naman kay Police Captain Rohaina Asalan, Chief of Police ng Peñablanca Police Station na ang suspek na si Sibbaluca ay dati nang may kasong paglabag sa Presidential Decree 705 o ang Revised Forestry Code of the Philippines.
Sa ngayon nahaharap na ito sa kasong Direct Assault upon an agent of authority at Frustrated Murder.
Nagbigay naman si PNP Chief Sinas ng P50,000 para tulong sa medical assistance sa nasugatang pulis sa pamamaril.