Mga illegal pipes na nagtatapon ng maruming tubig, ipinatatanggal ng DENR sa riverbanks sa Pasig River

Photo Courtesy: Deposit Photos

Iniutos ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Undersecretary for Solid Waste Management and Local Government Units Concerns Benny Antiporda sa Pasig River Coordinating and Management Office na suyurin ang baybayin o riverbanks sa Pasig River.

Layon nito na matukoy ang mga illegal pipes at ang pinanggagalingan ng duming mula sa Laguna de Bay palabas ng Napindan Channel patungo sa Manila Bay.

Ang nag-iisang labasan sa Laguna de Bay ay ang Napindan Channel na konektado sa Manila Bay sa pamamagitan ng Pasig River.


Inatasan din nito ang Environmental Management Bureau (EMB) na magbigay ng technical assistance sa pamamagitan ng water quality assessment upang matukoy kung ang tubig ay nagmumula sa floodwater o galing sa residential, commercial at industrial establishments.

Kasunod naman ito ng naging pulong ng Manila Bay Anti-Pollution Task Force para kumpletuhin at pabilisin ang implementasyon ng mga pamamaraan sa rehabilitation at restoration ng coastal at marine ecosystem ng Manila Bay.

Facebook Comments