Inanunsyo ng Land Transportation Office na hindi maaaring ilabas nang walang utos ng korte ang mga sasakyang na-impound dahil sa ilegal na operasyon bilang Public Utility Vehicles.
Ayon kay LTO Chief Vigor Mendoza, kahit pa binayaran na ng mga may-ari ang mga multa ay hindi maire-release ang mga “colorum” na sasakyan.
Aniya, ang magre-release ng impounded na sasakyan ay katumbas ng infidelity in the custody of evidence.
Dagdag ni Mendoza, bagama’t ang mga colorum na sasakyan ay karaniwang matatagpuan sa mga kanayunan at malalayong lugar, lumilitaw sa pinakahuling monitoring na may malaking pagtaas sa nag-o-operate na colorum sa loob ng Metro Manila at mga kalapit na rehiyon.
Bilang tugon, naglabas ng direktiba si Mendoza sa lahat ng mga regional director, district office head, at unit chief na agad na magsampa ng mga kasong kriminal sa mga ikinakasang anti-colorum operation.
Nagbabala ang LTO chief sa mga opisyal ng LTO na mahaharap ang mga ito sa mga administrative sanctions kung mabibigo silang ipursige ang mga kaso laban sa mga operator ng mga colorum.