Mga inaakusahang big-time drug lord, inilagay sa lookout bulletin

Manila, Philippines – Isinailalim ng DOJ sa Immigration Lookout Bulletin sina Peter Lim, Rolan “Kerwin” Espinosa at ilan pang mga personalidad na isinasangkot sa kalakaran ng iligal na droga.

Sa apat na pahinang memorandum na pirmado ni Secretary Vitaliano Aguirre at may petsang July 11, 2017, bukod kina Lim at Espinosa, kasama rin sa mga inilagay sa ILBO sina: Peter Co, Marcelo Adorco, Max Miro, Lovely Adam Impal, Ruel Malindangan at Jun Pepito.

Sina Adorco, Miro, Malindangan at Pepito ay pawang mga naka-base sa Albuera, Leyte.


Si Kerwin Espinosa na anak ng pinaslang na si Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa at aminadong distributor ng iligal na droga ay nasa ilalim naman ng Witness Protection Program ng DOJ.

Matatandaan na si Kerwin Espinosa ay nagbigay ng testimonya laban kay Senador Leila de Lima na pinangalanan niyang isa sa kanyang mga protektor.

Si Peter Lim naman ay iniimbestigahan ng NBI matapos pangalanan ni Pangulong Duterte sa kanyang drug matrix, at si Peter Co na nasa drug matrix din ng Pangulo ay bumubuno ng sentensya sa New Bilibid Prisons.

Ang pagsasailalim sa kanila sa ILBO ay kaugnay ng kasong paglabag sa Section 26 paragraph B ng Comprehensive Dangerous Drugs Act o RA 9165 na may kinalaman sa sale, trading, administration, dispensation, delivery at distrubution ng iligal na droga.

Nakasaad sa kautusan na dahil sa bigat ng paglabag na kinakaharap ng mga nasabing personalidad, hindi malayong sila ay umalis ng bansa.

Kaugnay nito, kinakailangan maging alerto ang mga immigration officer sakaling mamataan ang nasabing mga indibidwal sa mga international airport at seaport.

Facebook Comments