MGA INABANDONANG BATA SA LINGAP CENTER, PINASAYA NG KAPULISAN SA VALENTINE’S DAY

Cauayan City, Isabela- Bakas sa ngiti ng mga batang inabandona at pinabayaan ng kanilang mga magulang ang ginawang pakulo ng pamunuan ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) kasabay ng pagdiriwang ng Valentine’s Day na may temang “Give Love on Valentine’s” na isinagawa sa Lingap Center, Brgy. Alibagu, City of Ilagan.

Pinangunahan ni Deputy Provincial Director for Operations PLTCOL. Pepito Mendoza Jr. at Community Affairs and Development Unit (PCADU) Chief PLTCOL. Michael Aydoc ang aktibidad kasama ang Head of Lingap Center na si Gng. Emelda D. Derepe.

Layunin ng aktibidad na maiparamdam sa mga bata ang pagmamahal, kahalagahan nila at makapagbigay ngiti sa pamamagitan ng mga handog na regalo, pagkain at ang kakaibang talento sa pagsasayaw na ipinamalas ng mga pulis.

Hindi naman nagpadaig ang mga bata dahil kanya-kanya rin silang sayaw na paraan ng kanilang pasasalamat sa kapulisan.

Samantala, nagbahagi naman ang kapulisan ng kaalaman sa mga bata tungkol sa karapatan ng bawat bata, Anti-Rape Law, Anti Violence Against Women and their Children (VAWC) Act, at safety tips and Self-defense against rape.

Facebook Comments