Mga inalis na pekeng accounts sa Facebook, ipinasasapubliko; Kamara, hinimok na imbestigahan ito

Hinamon ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate ang Facebook na isapubliko at pangalanan ang mga pekeng Facebook accounts na tinanggal ng social media platform dahil sa mga paglabag sa kanilang community standards.

Partikular na ipinasasapubliko ni Zarate ang mga accounts na iniuugnay sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) katulad ng terrorist-tagging ng mga indibidwal at organisasyon mula sa oposisyon at kritiko ng Duterte administration.

Bukod dito ay hiniling din ni Zarate sa Kongreso na silipin ang mga pekeng Facebook accounts dahil maaaring nagamit dito ang public funds para sa kanilang operasyon lalo pa’t nai-link ang ilang mga accounts na may koneksyon sa AFP at PNP kung saan lalo pang lumakas ang mga ito noong naisakatuparan na ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).


Sinabi ng Deputy Minority Leader na matagal na nilang inirereklamo ang mga troll accounts noon at ikinalulugod nila na ilan sa mga ito ay inalis na ng Facebook ngunit marami pa rin ang natitira.

Hinikayat ng kongresista na sa oras na malaman kung sino ang nasa likod ng mga fake Facebook accounts ay papanagutin agad pati na ang mismong nagpopondo sa kanilang operasyon.

Facebook Comments