Nasa higit 60 katao ang hinuli ng Manila Police District Station 2 dahil sa wala at hindi tamang pagsusuot ng face mask.
Ayon kay MPD Station 2 Dagupan Outpost Supervisor Police Senior Master Sergeant Gerardo Tubera, simula November 19 hanggang 25 ay nasa 69 katao na karamihan ay mga vendor at tricycle drivers ang hinuli ng kaniyang mga tauhan dahil sa paglabag sa Ordinance No. 8627 o ang Mandatory Use of Face Mask in Public places.
Matapos nito, papauwiin ang mga nahuli at hihintayin na lamang nila ang kanilang “subpoena” upang bayaran ang kanilang kaukulang multa.
Nabatid na nasa P1,000 ang multa para sa first offense, P2,000 sa second offense, at P5,000 o isang buwang pagkakakulong sa ikatlong paglabag.
Sinabi pa ni Tubera, araw-araw silang nagsasagawa ng Oplan Bandillo o Anti-Criminality Campaign at pagpapatupad ng mga umiiral na ordinansa patungkol sa health protocols tulad ng tamang pagsusuot ng face mask at physical distancing partikular na ngayong nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) ang lungsod dulot ng pandemya.
Pinayuhan naman din niya ang publiko partikular na ang mga magpupunta sa Divisoria na magdoble ingat, tiyaking magsuot ng face mask at face shield, dumistansiya sa ibang tao at panatilihin ang disiplina.