Mga informant, binigyan ng mahigit P10 milyong monetary reward ng PNP

Aabot sa P10.6 milyon ang ibinigay na monetary reward sa mga informant na nagbigay ng impormasyon laban sa mga wanted person sa bansa.

Sa seremonyang ginanap sa Camp Crame, naipamahagi sa 30 informant ang nasabing gantimpala. Ang mga tumanggap ay mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Acting Chief Police Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., ang ipinagkaloob na reward ay insentibo para sa pagbibigay ng impormasyon laban sa mga indibidwal na lumalabag sa batas.

Kaugnay nito, aabot sa P5.3 milyon ang pinakamalaking halagang natanggap ng isang informant na nakapagpaaresto sa isang lider ng Abu Sayyaf.

Samantala, ayon sa PNP, ang perang ipinamahagi ay mula sa intelligence funds ng ahensya.

Tiniyak naman ng PNP na may reward man o wala, patuloy silang magtatrabaho upang mahuli ang mga lumalabag sa batas.

Facebook Comments