Ipinag-utos ng Department of Health (DOH) sa mga initial vaccination sites na maghanda ng quick substitution list (QLS) sakaling tumanggi o hindi makakarating ang indibidwal na bibigyan ng COVID-19 vaccine.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ayaw nilang maaksaya ang mga bakuna sa deployment program kaya pinaghahanda nila ng QLS ang Local Government Units at mga vaccination sites.
Aniya, bumubuo na sila ng guidelines para matukoy ang mga karapat-dapat na mapasama sa substitution list.
Sa kabila nito, nilinaw ni Vergeire na “indicative” o hindi pa tiyak ang pagdating ng unang batch ng COVID-19 vaccines sa Pilipinas sa susunod na linggo.
Bagama’t sinabi ng mga opisyal ng COVAX na sa ikalawa o ikatlong linggo ng Pebrero dadating ang mga bakuna, wala naman aniya silang ibinigay na eksaktong petsa ng arrival ng libreng vaccine supply.
Una nang lumabas ang ulat na posibleng sa Pebrero 15 o sa susunod na Lunes na dumating ang 117,000 doses ng Pfizer-BioNTech vaccines na mula sa COVAX Facility.
Bukod sa Pfizer-BioNTech vaccine, inaasahan din ang pagdating ng 5 hanggang 9-million doses bakuna ng AstraZeneca na manggagaling din sa COVAX Facility.
Tiniyak naman ni Vergeire na agad ipapamahagi ang mga bakuna sa priority sector kapag dumating na ang shipment nito sa bansa.