Mga IP, Natatakot sa mga Communist Terrorist Group

Cauayan City, Isabela – Naiipit ang mga kasapi ng Indigenous Peoples o katutubo sa kasalukuyang problema ng insurhensiya. Bunga ito ng takot na siyang dahilan kung bakit napipiitan silang gawin ang mga iniuutos ng NPA. Dagdag pa ang katotohanan na ang mga katutubo ay hindi isinasama sa liderato ng mga rebelde na naglalagi o dumadaan sa kanilang lugar.

Ito ang ipinahayag ni Atty Cynthia Maria Tablang, Regional Hearing Officer ng NCIP Region 2 sa ginanap na Up Up Cagayan Valley 23rd Episode sa himpilan ng Tactical Operations Group(TOG) 2, PAF, San Fermin, Cauayan City ngayong araw ng Agosto 20, 2021.

Ang Up Up Cagayan Valley ay lingguhang talakayan ng mga lokal ng mamamahayag sa mga iniimbitahang panauhin ng TOG 2 upang pag-usapan ang mga mahahalagang impormasyon at serbisyo ng pamahalaan at ng Philippine Air Force.


Sa naturang talakayan ay napag-usapan ang hinggil sa pagpoproseso ng mga Certificate of Ancestral Land Title (CALT) ng mga katutubo para sa pagkilala sa kanilang karapatang panglupa na dati nang pagmamay- ari ng kanilang mga ninuno.

At dahil karamihan sa mga lugar ng CADT ay matatagpuan sa mga liblib at malalayong lugar ay napupuntahan at minsan ay pinamamalagian ng mga NPA. At dahil sa posibleng naimpluwensiyahan din sila ng paniniwalang komunismo ay kailangang maipaliwanag ng masinsinan sa mga katutubo na ang pamahalaan ay mayroong programa para sa maayos na pagbibigay ng lupa sa pamamagitan ng agrarian reform sa ilalim ng DAR o sa pamamagitan ng CADT na pinoproseso naman ng NCIP.

Binigyan diin pa ni Atty Tablang na kanilang ipinapaliwanag sa mga katutubo na ang tanging makapagbibigay ng titulo ng lupa ay ang gobyerno at hindi ang mga rebeldeng NPA.

Sa naging takbo ng talakayan ay sinabi pa ng NCIP na “half-truth at half lies” ang mga sinasabi ng mga NPA sa mga katutubo sa kanila umanong programang agraryo na nababatay sa linya ng paniniwalang sosyalismo o komunismo. Ang katotohanan ay ginagampanan na ng pamahalaan ang programang ito sa pamamagitan ng DAR o NCIP sa pamamagitan naman ng CADT.

Kasama pa sa paglalahad ng mga NCIP Officials sa Up Up Cagayan Valley ay ang takot ng mga katutubo sa mga communist terrorist group(CTG) kaya napipilitan ang ilan na maging sunud-sunuran sa utos ng NPA na madalas ay ang kanilang gawain ay tagabuhat ng baril, taga kuha ng pagkain, utusan para anumang gawain at ang hindi nila pagkakasali sa pagpaplano at liderato ng kilusan.

Idinagdag pa ni Atty Tablang na mas marami ang mga katutubo na ayaw makisali sa kilusang komunista lalo na ngayon at mayroong EO 70 at NTF-ELCAC kung saan ay kanilang naipapaliwanang sa mga katutubo na mas mainam na pumanig sila sa pamahalaan dahil ginagampanan naman ng gobyerno ang mga pangangailangan ng mga mamamayan.

Facebook Comments