Magkaroon ng reevaluation ang pamahalaan sa mga ipinapatupad na health safety protocols para sa pagtugon ng COVID-19.
Ito ang panukala ngayon ng University of the Philippines OCTA Research Team kasunod ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa kung saan batay sa kanilang pagtataya ay posibleng umabot sa 85,000 ang maging kaso nito sa katapusan ng Hulyo.
Sa interview ng RMN Manila kay UP Institution of Mathematics Professor Dr. Guido David. P.H. D., isa sa miyembro ng research team, batay sa kanilang pag-aanalisa, bumilis pa lalo ang reproduction ng COVID-19 sa Metro Manila kung saan umaabot na ngayon sa 1.5 ang rate of transmission.
Sinabi ni David na dahil bago at hindi pa nakaranas ng ganitong uri ng pandemya ang Pilipinas kumpara sa mga kalapit bansa na tinamaan noon ng Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS) at Middle East Respiratory Syndrome-Coronavirus (MERS-CoV), posibleng na underestimate ng pamahalaan ang sitwasyon.
Nabatid na ang Pilipinas ang may pinakamataas na kaso ng COVID-19 sa South East Asia.