Alas-dyes ngayong umaga nakatakda ang pagdinig ng Senate Committee on Public Services ukol sa mga kontrobersya at isyu sa operasyon ng motorcycle taxi.
Kabilang sa mga inimbitahan ni Committee Chairperson Senator Grace Poe ay ang mga trasportation officials, motorcycle taxi operators, leader ng iba’t ibang commuter groups, at motorcycle suppliers.
Kumpirmadong haharap sa pagdinig sina Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary Mark Steven Pastor at Engineer Bert Suansing; Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Edgar Galvante; TWG chairperson Antonio Gardiola; George Royeca ng Angkas; Eric Torres ng Move It Philippines; Neil Sherwin Yu ng JoyRide; at Brian Cu ng Grab.
Sabi ni Poe, sisentro ang pagdinig sa apat na panukalang batas na naglalatag ng regulasyon sa motorcycle taxi bilang isang ligtas na alternatibong public utility vehicle.
Plano din ni Poe na hingan ng report ang DOTr ukol sa pilot implementation ng motorcycle taxi na sinimulan nung Hunyo 2019.
Sa pagdinig ay inaasahang mauungkat ang direktiba ng DOTr na limitahan sa 10-libo lang ang motorcycle taxi ng kumpanyang Angkas at ang alegasyon na dayuhan ang nagmamay-ari nito.
Gayundin ang mga lumutang na balita na pag-mamay-ari ng mga pulitikong malapit sa Malacanang ang kumpanyang Joyride na kakumpetensya ng Angkas.