Pinapakumpiska ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan sa Department of Agriculture o DA para ibalik sa merkado ang mga itinatagong food supplies.
Panawagan ito ni Pangilinan sa DA kasunod ng pagsisimula kahapon ng implementasyon ng 60 na araw na price ceiling sa karne ng baboy at manok.
Ayon kay Pangilinan, sa DA mismo nanggaling na may mga nagho-hoard ng pagkain kaya dapat itong kumpiskahin at ibenta matapos isailalim sa sanitary at safety tests.
Layunin ng mungkahi ni Pangilinan na mai-angat ang suplay ng pagkain na magreresulta sa pagbaba ng presyo nito.
Muli, iginiit ni Pangilinan na “band-aid solution” lang ang pagpapataw ng price ceiling at hindi ito tila “magic wand” na makakasolusyon sa problema sa mataas na presyo ng pagkain kung mananatiling kulang ang suplay.
Dagdag pa ni Pangilinan, ipatupad nang mahigpit ang mga batas na nagpoprotekta sa mga mamimili at dapat may masampolan laban sa mga nagsasamantala ngayong may pandemya at marami ang labis na naghihirap.