Pinag-aaralan ni Senator JV Ejercito na bukod sa kontrobersyal na resort sa Chocolate Hills ay imbestigahan na rin ang mga nagsulputang istruktura sa Upper Marikina River Basin Watershed partikular sa bahagi ng Sierra Madre na itinuturing din na protected landscape area.
Iginiit ni Ejercito na dapat na magsilbing eye-opener ang natuklasang resort sa paanan ng Chocolate Hills kung saan ang iba pang protected areas ay unti-unting tinatayuan na rin ng mga imprastraktura.
Binigyang-diin ng senador na bukod sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), dapat kumilos din ang mga lokal na pamahalaan para maisulong ang pangangalaga ng mga cultural heritage sa bansa.
Aniya pa, hindi sapat na dahilan ang kawalan ng matitirhan ng ating mga kababayan para pagtayuan ng mga istruktura ang mga protected areas lalo’t maraming bakanteng lupa na pwedeng gawing pabahay.
Samantala, malaki ang pag-asa ng mambabatas na dahil sa mga isyung ito ay maipapasa rin ang panukala ni Senate President pro tempore Loren Legarda na nagsusulong ng pangangalaga sa mga cultural heritage ng bansa.