Mga Ivatan sa Batanes, Naghahanda na sa Posibleng Pagtama ng Bagyong ‘Kiko’

Cauayan City, Isabela- Pinaghahandaan na ng mga residente sa Lalawigan ng Batanes ang posibleng pagtama ng bagyong Kiko sa lugar.

Bilang paghahanda, muling nagbayanihan ang mga Ivatan sa pamamagitan ng kanilang tradisyon na “Kapanpet” at “Tapangko”.

Isinasagawa ang “Kapanpet” sa pamamagitan ng pagtatali sa mga bahay ng mga Ivatan samantalang ang “Tapangko” naman ay ginagawa sa pamamagitan ng paglalagay ng isang window shutters bilang proteksyon sa nakaambang lakas ng hangin.


Ang isla ng Batanes ay madalas tamaan ng bagyo dahil na rin sa lokasyon nito kaya nagkaroon ng tradisyong “Kapanpet” at “Tapangko”.

Bukod sa mga Ivatan sa lugar, tumulong rin sa paghahanda ang mga kapulisan ng Batanes Police Provincial Office.

Sa kasalukuyan, nasa ilalim ng Signal #2 ang isla ng Batanes.

Samantala, nagpatupad na ng pre-emptive evacuation ang mga bayan ng Lal-lo at Baggao sa Cagayan.

Ayon kay Provincial Administrator Darwin Sacramed, may 46 na tao na ang inilikas kung saan 22 ang mula sa tatlong barangay sa Baggao at 24 naman ang mula sa isang barangay sa Lal-lo.

Facebook Comments