Mga Japanese shipowner, patuloy na tatanggap ng mga Filipino seafarer – PBBM

Magtutuloy-tuloy ang gagawing hiring o pagkuha ng mga Japanese shipowner ng mga Pinoy seafarer.

Ito ang tiniyak ng mga Japanese shipping companies kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa kanilang isinagawang pagpupulong sa Japan.

Ayon sa pangulo, nagpasalamat pa raw ang mga Japanese shipowner sa gobyerno ng Pilipinas dahil sa patuloy sa suporta para mapaangat ang skills at expertise mga sea-based laborer.


Mahalaga raw sa Japanese shipping Industry ang mga Pinoy seafarer dahil sa pagiging propesyunal at well trained.

Sinamantala na rin ni Pangulong Marcos ang pagkakataon para magpasalamat sa Japanese shipowners sa investment sa bansa.

Ito ay ang pagtatayo ng maritime training schools sa Canlubang, Laguna at Bataan, na nakakapagtala ng 1,200 cadets kada school year.

Matatandaang una nang bumuo ang Department of Migrant Workers (DMW) ng International Advisory Committee on Global Maritime Affairs, para maipakita kung gaano ka-importante ang Filipino seafarers sa domestic at international labor markets.

Gumagawa na rin daw ngayon ang DMW ng Japan Desk sa Office of the Secretary upang masiguro ang mabilis na komunikasyon sa pagitan ng Japanese shipowners at land-based employers.

Sa ngayon, 75 percent na crew ng mga Japanese ocean-going vessel ay mga Filipino seafarer.

Naga-average ito ng 6,600 Filipino seafarers kada taon na idineploy sa mga barko ng Japan na nagsimula sampung taon na ang nakakalipas.

Facebook Comments