Walang balak ang ilang transport group na magkasa ng tigil-pasada sa kabila ng sunod-sunod na bigtime oil price hike.
Sa interview ng RMN Manila, iginiit ni Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) national chairman Ricardo Rebaño na hindi na nila kailangang magsagawa ng tigil-pasada dahil kusa nang humihinto sa pagbiyahe ang mga pampasaherong jeep bunsod ng napakamahal na presyo ng diesel at gasolina.
Katunayan, nasa P100 hanggang P200 na lang ang naiuuwi nilang kita kada araw na kulang na kulang sa pangangailangan ng kanilang pamilya.
Bagama’t may ipinamamahaging fuel subsidy, iginiit ni Rebaño na hindi naman ito ma-avail ng maraming jeepney drivers at operators dahil sa mabibigat na requirements na hinihingi ng gobyerno.
“Lahat po ng hinihingi namin sa kanila, hindi naman natutugunan. Katulad po ng pantawid pasada na yan, e marami naman pong hindi talaga nakatanggap dyan, hindi nakatugon sa mga requirement na mabibigat na ipinataw nila sa amin,” ani Rebaño.
“Marami po sa atin dito ngayon na may hawak po na mga prangkisa, ang tanging hawak-hawak po nilang dokumento ay ang mga deed of sale. Sana naman po paluwagin nila yung mga requirements tungkol po doon sa mga pangyayari na yun dahil marami na po talagang operator ang ayaw nang makipag-coordinate sa mga bagong operators,” giit pa niya.
Kasabay nito, muli ring umapela ang grupo na ibalik ang pisong provisional increase sa pamasahe habang pinag-aaralan ng LTFRB ang mga fire hike petition na matagal nang inihain ng ilang transport group.
“Kung meron po kayong pasahero sa loob ng isang araw e 300 makakuha kayo e di another P300 na pwede naming idugtong doon sa pagbili po naming ng petroleum products. Malaking bagay po sa amin yun,” punto ni FEJODAP chairman.
“Kung nakikita naman po ng gobyerno at sinasabi nila tatamaan naman ‘yung economy e di ibalik namin sa kanila yung piso na yan kung yan ay nakakasagabal, ganon lang po. Win-win solution po ang kailangan namin ngayon kesa po yung pinapanood kami sa mga araw-araw na pangyayari,” dagdag niya.
Bukod diyan, hiniling din ng FEJODAP na suspendihin muna ang fuel excise tax.
“Hindi ko naman po hinihingi rito yung 100% na suspension [ng fuel excise tax], kung maaari po, kahit 50% i-suspend po nila para magbenepisyo naman po itong mga tsuper natin na araw-araw bumibili ng petroleum products,” apela pa ni Rebaño.