Batasan Complex – Nagsagawa ng protesta ang mga jeppney drivers at operators sa harap ng gate ng Batasan Complex upang tutulan ang pagphase out ng mga jeepneys.
Kasabay ng rally ang mariing pagtutol ng mga drivers at operators sa Omnibus Franchise Guidelines (OFG) dahil sa ilalim nito, pinaaalis sa pagbyahe sa lansangan ang mga lumang jeepneys at pinapapalitan ng makabagong modelo alinsunod na rin sa PUV modernization program.
Sa pagdinig ng House Committee on Transportation sa Kamara, sinabi ni Rep. Cesar Sarmiento na welcome development ang OFG para sa pagpapaganda ng sektor ng transportasyon sa bansa.
Tinukoy naman ni LTFRB Chairman Martin Delgra na kung maaayos ang public transportation sa bansa ay mababawasan ang pagbili ng mga sasakyan na siyang nagiging isang dahilan din sa pagbigat ng trapiko.
Sinabi naman ni Delgra na pagdating sa pagiisyu ng prangkisa ay LTFRB pa rin ang siyang magbibigay nito at tanging hihingiin lamang sa mga LGUs ay ang route plans na magiging basehan ng ibibigay na franchise ng ahensya.
Samantala, itutuloy naman sa susunod na pagdinig ang PUV modernization kaugnay sa pagbabagong bihis ng mga jeepneys at pagphase out sa mga lumang sasakyan na ito.