*Cauayan City, Isabela- *Dapat umanong sumailalim sa Reserve Officer Training Corps o ROTC Training ang mga kabataan upang mahubog na magkaroon ng disiplina sa sarili at para sa karagdagang tropa ng pwersa ng militar.
Ito ang ibinahaging impormasyon ni Director Col. Virgilio Magaoay ng 202nd Community Defense Center na kinakailangan lamang umanong sumailalim sa ROTC Training ang kabataan lalo na sa mga mag-aaral ng K12.
Aniya, tumaas umano ang bilang ng mga nag-enroll sa ROTC sa buong lalawigan ng Isabela na mula umano sa mga grade 11 at grade 12 student na sumailalim sa basic ROTC Training ng K12 program.
Mayroon na rin umanong inisyal na pilot school para sa basic ROTC training ng mga mag-aaral na naka base sa Isabela National High School, Ilagan City, Isabela at magsisimula na ito sa buwan ng Oktubre.
Sa ngayon ay nagsasagawa ng tree planting activity ang mga ROTC, tumutulong sa mga operasyon ng Disaster Rescue Unit, at tumutulong sa mga mamamayan maging sa pangangalaga sa ating kalikasan.
Samantala, ang 202nd Community Defense Center ay isa sa mga nakiisa sa Bloodletting activity ng DWKD 98.5 RMN Cauayan na isinagawa sa SM City Cauayan kahapon bilang pakikiisa sa ika-animnapu’t anim na anibersaryo ng Radio Mindanao Network sa buong Pilipinas.