Mga kabataan na biktima ng kalamidad, ipinapaprayoridad din sa pamahalaan

Ipinapaprayoridad ni Senator Sherwin Gatchalian sa pamahalaan ang kaligtasan at kapakanan ng mga kabataan na biktima rin ng kalamidad.

Matapos ang pananalasa ng Super Typhoon Karding ay agad nanawagan si Gatchalian sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH) at Department of Education (DepEd) na tiyaking ang mga kabataan ay nasa ligtas lugar.

Hinimok ng senador ang mga ahensya ng gobyerno na siguruhing ang kalusugan, nutrisyon at sanitation ng mga kabataan ay nakakamit gayundin ang pagkakaloob ng psychosocial support at pagtiyak sa ligtas na pagbabalik nila sa klase.


Giit ng senador, ang mga kabataan ang pinaka-vulnerable kapag may mga kalamidad na tumatama sa bansa.

Inihalimbawa ni Gatchalian ang nangyaring trahedya noon sa Super Typhoon Yolanda kung saan dumanas ang mga kabataan ng malnutrisyon, marami ang tumigil sa pag-aaral at napilitang magtrabaho para makatulong sa pamilya habang ang iba ay naging biktima ng prostitusyon.

Facebook Comments