Mga kabataan na na-recruit ng makakaliwang grupo, handang tanggapin ng PNP na magbalik loob sa gobyerno ayon sa NCRPO

Hinikayat ni National Capital Region Police Office o NCRPO Chief PMGen Vicente Danao Jr. ang mga kabataang estudyante na huwag magpalinlang sa mga makakaliwang grupo na humihikayat na mag-aklas para labanan ang gobyerno.

Ginawa ni General Danao ang pahayag kasabay ng pagdalo nito sa Duterte Legacy Caravan at OPLAN Mapayapang Parañaque sa Baclaran Elementary School, Barangay Baclaran.

Iginiit ni Danao na walang maidudulot na mabuti para sa mga kabataan na na-recruit ng mga rebelde.


Estilo umano ng mga makakaliwang grupo na i-brainwash ang kaisipan ng mga kabataang mag-aaral sa mga unibersidad kung saan madaling hikayatin para mamundok at labanan ang gobyerno.

Inihalimbawa pa ni General Danao ang isang estudyante na balidektoryan na nahikayat na sumama sa rebelde sa bundok at nasawi ito matapos maka-engkwentro ang mga militar.

Sa nasabing okasyon kahapon, 15 mga kabataan na miyembro ng makakaliwang grupo na laging namumuno sa rally sa Metro Manila ang nagbalik loob sa pamahalaan kung saan sila pinagkalooban ng tulong financial.

Dagdag pa ni Danao, bukas ang PNP na tanggapin at tulongan ang mga kabataan rebelde na nahikayat ng ilang makakaliwang grupo na partylist na nais magbalik loob sa gobyerno.

Facebook Comments