Nasa ligtas na kalagayan ang lahat ng mga kadete at military at civilian personnel ng Philippine Military Academy (PMA) na nag-positibo sa COVID-19 test.
Siniguro ito ni PMA Spokesperson Major Cherryl Tindog.
Aniya, asymptomatic ang mga nagpositibo sa COVID-19 at ang ilan sa mga ito ay nakarekober na.
Tiniyak rin ni Tindog sa mga magulang at pamilya ng mga kadete na agad na na-isolate ang mga apektadong indibidwal at ang kanilang mga nakasalamuha kaya’t walang panganib sa kalusugan ng mga kadete.
Natukoy ang mga kaso ng COVID-19 sa PMA matapos ang isinagawang mass testing sa PMA sa unang pagkakataon sa pamamagitan ng RT-PCR test.
Sinabi ni Tindog na bago ito ay puro rapid test kits lang ang kanilang ginagamit sa pag-check sa kanilang mga kadete at empleyado simula Marso 20 ng nakaraang taon.
Matatandaang simula pa lang ng pandemya ay nag-lockdown na ang PMA at nilimitahan ang mga kontak ng kanilang mga kadete at tauhan sa mga taga-labas upang mapanatiling COVID-free ang kanilang lugar.