Mga kagawad ng media na nakakatanggap ng banta sa buhay, hinikayat ng PNP na agad dumulog sa mga awtoridad

Muling nanawagan ang Philippine National Police (PNP) sa mga miyembro ng media partikular na ang mayroong banta sa buhay na huwag mag-atubiling dumulog sa pulisya.

Ayon kay PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr., may atas na siya sa mga local commander na makipagtulungan sa mga media sakaling may isyu sila sa kanilang seguridad.

Aniya, handa silang tumugon sa pangangailangan ng mga mamamahayag.


Magiging bukas ani Acorda ang PNP sa komunikasyon sa media para malaman ang kanilang mga pangangailangan.

Matatandang pinagbabaril kahapon ng riding in tandem ang radio commentator na si Cresenciano “Cris” Aldovino Bunduquin sa Calapan City, Oriental Mindoro.

Sa ngayon, bumuo na ng special investigation task group ang MIMAROPA police para sa mabilis na pagkaresolba ng kaso.

Facebook Comments