Iminungkahi ni Senator Sherwin Gatchalian na silipin na rin ang mga kahinaan sa infrastructure system ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ito ay para maiwasang maulit sa hinaharap ang nangyaring technical glitch sa paliparan na nagdulot ng abala sa libu-libong mga pasahero.
Ayon kay Gatchalian, anumang kahinaan sa paliparan ay maaaring makasira sa pagsisikap ng pamahalaan na maibangon ang ekonomiya para sa sektor ng turismo at transportasyon.
Binigyang-diin ni Gatchalian na tututukan ng Senado ang mga hakbang sa seguridad at redundancy sa lahat ng aspeto ng sistema ng transportasyon sa himpapawid ng bansa upang matiyak ang kaligtasan, kaginhawahan at karapatan ng mga apektadong pasahero.
Iginiit ni Gatchalian na mahalagang matukoy ang puno’t dulo ng mga pangyayari para mabigyang-daan ng mga awtoridad ang mga kinakailangang aksyon.
Inihain ng senador ang Senate Resolution 421 na nananawagan para siyasatin ang naganap na aberya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Enero 1 kung saan sinasabing nagkaroon ng technical glitch sa air traffic management system ng paliparan na nagparalisa sa airspace ng bansa at nakaapekto sa maraming pasahero.
Mamayang ala-1:30 ng hapon ay idadaos ng Committee on Public Services na pangungunahan ng chairman na si Senator Grace Poe ang imbestigasyon sa nasabing aberya.