Simula Huwebes, Enero 7, isasara ang ilang kalsada sa paligid ng Quiapo Church sa Maynila bilang paghahanda sa Traslacion ng Itim na Nazareno.
Bagama’t kanselado ang tradisyunal na prusisyon, magdaraos pa rin ng mga misa sa naturang simbahan sa Enero 9, ang araw ng Traslacion.
Dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga deboto, isasara ang Southbound at Northbound lane ng Quezon Boulevard, maging ang Eastbound at Westbound lane ng Carlos Palanca Street.
Kasabay nito, magpapatupad din ng “no parking” at “no vendor policy.”
Magkakaroon din ng control points ang Manila Police District (MPD) sa paligid ng simbahan para ma-kontrol ang pagdating ng mga tao.
Kapag kumapal ang volume ng mga tao sa paligid ng simbahan, haharangin muna ang iba hanggang sa makaalis ang ilang deboto.
Kasabay nito, hinikayat ng pamunuan ng Quiapo Church at MPD ang mga deboto na kung maaari sa kaniya-kaniya munang parokya magsimba.