Mga kandidato sa halalan na magpopositibo sa iligal na droga, tutukan ng PNP – Drug Enforcement Group

Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) Chief General Dionardo Carlos sa PNP – Drug Enforcement Group (DEG) na patuloy na mangalap ng ebidensya at sapat na impormasyon kaugnay sa pahayag ni Pangulong Rodridgo Duterte na may presidential candidate na umano’y gumagamit ng cocaine.

Aniya, sa ngayon ay nagpapatuloy ang validation sa impormasyon at ipinagkakatiwala niya na sa PNP-DEG ang pagmonitor at pag-identify sa subject.

Kung ano man aniya ang maging resulta ay handa ang PNP na ito’y isapubliko.


Nilinaw naman ni Carlos na mag-iimbestiga lamang ang PNP kung may kandidato na magpopositibo sa iligal na droga, ito ay sa harap na rin nang inaasahang mas maraming kandidato ang magboboluntaryong magpa-drug test.

Sa ngayon, ayon kay PNP Chief ay wala pang mga local candidate ang humiling na magpa-drug test sa kanilang iba’t ibang police stations at units.

Pero bukas aniya ang PNP na tumulong sa mga kandidatong nais sumailalim sa drug test.

Facebook Comments