Hinamon ni Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas ang mga tumatakbong kandidato sa pagkapresidente na bigyang solusyon ang walang tigil na pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.
Ngayong Linggo ay naitala ang pangwalong beses na oil price hike mula ng pumasok ang taong 2022.
Hiling ni Brosas sa mga kumakandidatong pangulo sa eleksyon na i-reverse o baligtarin ang deregulation ng oil industry.
Nais ng kongresista na maibasura ang Oil Deregulation Law at mapasailalim sa pamahalaan ang kontrol sa presyuhan ng langis sa bansa.
Bukod aniya sa hindi mapigil ang pagsirit ng presyo ng langis sa bansa ay bilyong piso rin ang nakukulimbat ng oil companies dito.
Muli ring binigyang diin ng mambabatas ang agarang suspensyon sa excise tax sa langis sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law bunsod na rin ng hindi mapigil na pagtaas sa presyo ng mga pagkain at pangunahing bilihin.
Makakatulong aniya ang anim na buwang suspensyon sa excise tax sa langis lalo na sa mga tsuper, commuters at mga consumers na nahihirapan din sa gastusin sa gitna ng pandemya.