Umapela ang League of Provinces of the Philippines (LPP) kay Pangulong Rodrigo Duterte na isama ang mga kapitan at konsehal ng barangay sa mga benepisyaryo ng Social Amelioration Program (SAP).
Ayon kay LPP President at Marinduque Governor Presbitero Velasco Jr., sa ilalim ng Memorandum Circular No. 14 ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), kwalipikado sa SAP ang mga nasabing local official.
Nakasaad sa bagong memorandum na maaaring tumanggap ng cash assistance ang mga government personnel kung tumatanggap lang sila ng allowance na mas mababa kumpara sa maximum na halaga ng subsidiya para sa kanilang trabaho.
Gayunman, hindi sila nakasama sa limang milyong “waitlisted” at “left out” beneficiaries.
Samantala, pinaiimbestigahan na ng Kamara ang kalituhan at delay sa pamamahagi ng first tranche ng SAP.
Sa House Resolution No. 973 na inihain ni House Speaker Alan Peter Cayetano, partikular na bubusisiin ng Kamara ang mahaba at kumplikadong proseso ng cash aid distribution.
Aniya, bagama’t suportado ng Kamara ang mga ahensya sa pagpapatupad ng mga programang tumutugon sa pandemya, dapat na may managot pa rin sa kapalpakan at mabagal na pamamahagi ng ayuda.