Mga kaso ng karahasan kontra kababaihan at mga kabataan, pinareresolba sa mga LGU ng DILG

Dapat umanong tugunan na ng mga lokal na pamahalaan ang mga di pa nareresolbang mga kaso ng karahasan kontra sa mga kababaihan at mga kabataan.

Ito ang naging direktiba ni Department of the Interior and Local Government (DILG)Secretary “Benhur” Abalos Jr., sa mga Local Government Unit (LGU) na may mga nakabinbing Violence Against Women and their Children (VAWC) cases.

Ayon kay Abalos Jr., marami sa mga kasong naitatala ay nangyayari sa mga solo parent na kababaihan.


Batay sa datos ng DILG, mula Enero hanggang Hulyo 2022, nakapagtala ang Philippine National Police (PNP) ng kabuuang 6,383 VAWC cases at 9,677 kaso naman ng karahasan laban sa mga kabataan.

Aniya, dapat na paigtingin pa ng mga barangay at mga LGU ang kanilang mga protective program, counseling at support services sa gitna ng tumataas na bilang ng mga ganitong uri ng karahasan laban sa mga kababaihan at mga kabataan sa panahon ng pandemya.

Nanawagan din ang DILG chief sa mga LGU na epektibong ipatupad ang Expanded Solo Parents Welfare Act, na nagkakaloob ng karagdagang mga benepisyo para sa mga single parent.

Facebook Comments