Bahagya bumaba ang naitatalang nahahawaan ng virus matapos ang sunod-sunod na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Quezon City noong Marso.
Batay sa datos ng OCTA Research Group, ang average number ng kaso mula April 20 hanggang 26 ay bumaba sa 743 kumpara sa 1,183 average cases noong March 30 hanggang April 5 na ikinunsiderang peak o bilis ng hawaan.
Mula sa reproduction na 1.59, ang reproduction number ngayon ay nasa 1.23, mas mababa sa recommended reproduction number ng World Health Organization (WHO) na less than 1.
Ang positivity rate ay bahagya ring bumaba sa 21% mula 26% habang ang daily attack rate per 100,000 population ay nasa 23.60%.
Sabi ni Quezon City Mayor Joy Belmonte, nakatulong sa pagbaba ng kaso ng COVID-19 ang mas pinaigting na testing, tracing at isolating.
Ani OCTA Research Group Fellow Dr. Guido David, kung magtutuloy-tuloy ang strategy ng lokal na pamahalaan ng Quezon City sa loob ng dalawa hanggang tatlong linggo ay posibleng lalo pang mapababa ang kaso ng COVID-19.
Hanggang ngayong araw, April 29, ang Quezon City Epidemiology and Disease Surveillance Unit ay nakapagtala ng active cases na 7,126 habang ang recoveries ay nasa 73,200 at mayroong 995 na namatay.
Ang isolation at quarantine facilities ng lungsod ay tumaas naman ng mahigit 3,000 beds habang ang mga city-owned buildings at eskwelahan ay ginawa nang pasilidad.
Nanawagan si Belmonte sa mga residente ng lungsod na patuloy na maging responsable sa pagsunod sa basic health protocols.