Mga Kaso ng Pagnanakaw, Pupuntiryahin ng PNP Santiago City!

Santiago City, Isabela- Dahil sa sunod-sunod na insidente ng panloloob at pagnanakaw sa ibat-ibang barangay ng lungsod ng Santiago ay nagsagawa na ng hakbang ang pulisya upang puksain ang mga kawatan.

Ito ang tinuran ni Police Chief Inspector Reynaldo Maggay ng Station 2 PNP Santiago City sa naging panayam ng RMN Cauayan News Team kahapon, Pebrero 6, 2018 sa lungsod ng Santiago, Isabela.

Ayon sa hepe, nasa labing isang kaso na ng pagnanakaw ang naitala mula noong buwan ng Enero ngayong taon na kung saan ay nakaka-alarma na ito sa kanilang komunidad.


Magugunitang nitong Enero 27,2018 lamang ay nilooban at ninakawan ang isang bahay sa Silverland Homes Subdivision, Patul, Santiago City na kung saan natangay ng mga magnanakaw ang apat na cellphone, isang tablet, sling bag, alahas, relo, ATM card, credit cards at perang nagkakahalaga ng mahigit siyam na libong piso.

Dahil dito ay nagsagawa na ng mas epektibong paraan ang pulisya upang maiwasan ang panloloob at pagnanakaw sa kanilang komunidad sa pamamagitan ng kanilang pakikipag ugnayan at pagbibigay impormasyon sa mga brgy. Captains, Tanods, Security Guards, mga owners ng Silverland Homes at maging mga kahera ng Pawnshop at bangko.

Dagdag pa aniya, tuloy pa rin ang kanilang pagbibigay ng serbisyo para sa seguridad ng kanilang komunidad para makaiwas sa mga naglipanang magnanakaw.

Payo pa ng hepe ng laging mag-iingat at siguraduhing nakalock ang mga pinto para makaiwas kontra magnanakaw.

Facebook Comments