Mga kasong hawak ng PACC, halos matatapos na

Inihayag ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na maituturing na zero backlog na ang mga kasong hawak ng kanilang tanggapan.

Ayon kay PACC Commissioner Greco Belgica, noong nakaraang Disyembre 2020, mahigit sa 9,000 mga kasong administratibo at kriminal ang naisampa sa kanilang tanggapan.

Aniya, natapos na nila ang nasabing mga kaso kung saan naisampa na nila ito sa Ombudsman at iba’t ibang korte habang nasa 200 kaso na lamang ang natitira na kanilang tinatrabaho sa ngayon.


Binanggit din ni Belgica na maraming kasong sinasampa sa kanila ngunit nang kanilang alamin at imbestigahan ay lumalabas na pawang sabi-sabi kaya’t hindi napagbigyan ang complainants.

Aminado naman ang opisyal na mahirap labanan ang korapsyon at muling iginiit na lalong lalala ito dahil sa nalalapit na halalan.

Sinabi rin ni Belgica na kung dati ay mga kalaban lamang o kritiko ang sangkot sa korapsiyon ngayon ay pawang mga kaalyado na ang nasasangkot sa katiwalian.

Pangunahin na rito ay ang pagkakasangkot na sa illegal drugs na talagang pinagkakakaperahan ng mga pulitiko na gustong manatili sa puwesto.

Ang pahayag ni Belgica ay kasunod ng pagdalo nito sa flag raising ceremony sa headquarters ng Manila Police District (MPD) at nanguna rin siya sa paglulunsad ng programang urban farming sa nasabing himpilan.

Facebook Comments