Magkakaroon na ng review ang Department of Justice (DOJ) sa mga kasong inihain laban kay Sen. Leila de Lima.
Ito ang kinumpirma ni Justice Secretary Menardo Guevarra matapos ang mga sunud-sunod na pagkambyo ng mga testigo at mga indibidwal sa mga testimonya nila hinggil sa kalakaran ng iligal na droga sa New Bilibid Prison kung saan isinasangkot ang senadora.
Ayon kay Guevarra, regular namang nagkakaroon ng pagre-review sa mga kaso ang DOJ.
Aniya, kahit na may nag-recant o wala, ginagawa talaga ng justice department ang review sa mga cases nito.
Magkakaroon aniya ng cross-examination sa ginawang pag-recant ng mga testigo dahil hindi pa naman tiyak kung alin ang katotohanan sa kanilang mga testimonya.
Sa ngayon aniya, handa naman ang DOJ na alamin ang katotohanan at handa silang tanggapin ang magiging resulta ng case review.