Pinapasumite sa Senado ni Senate Minority Leader Franklin Drilon kina Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. at Health Secretary Francisco Duque III ang supply agreements o kontrata sa pagbili ng mga COVID-19 vaccines.
Ayon kay Drilon, ito ay para mabusisi ng Senate Committee of the Whole ang presyo ng mga bakuna laban sa COVID-19 na kailangan sa pagdinig kung paano ginugugol ang P82.5 billion na pondo pambili ng COVID-19 vaccines.
Giit ni Drilon, kina Galvez at Duque, ipadala na ang mga supply agreements na napirmahan na dahil hindi na ito confidential kung saan hindi na uubra ang non-disclosure agreement dahil gamit dito ang pera ng taumbayan.
Target naman ni Senator Francis Kiko Pangilinan na hingan ng report ang IATF ukol sa distribusyon ng bakuna sa bawat lokal na pamahalaan.
Hihingi rin ng paliwanag si Pangilinan at iba pang Senador ukol sa karagdagang P25 bilyon na budget para sa bakuna.
Base sa agenda na mula sa tanggapan ni Senate President Tito Sotto III, pangunahing bubusisiin sa pagdinig ngayon ang paggamit ng pondo pambili ng bakuna kasama ang mga inutang para dito gayundin ang ipinapatupad na patakaran ng Inter Agency Task Force (IATF) tulad sa quarantine sa mga dumarating na pasahero sa airport na fully vaccinated na.
Nag-abiso naman na dadalo sa pagdinig physically ang mga miyembro ng IATF na sina Secretary Galvez at Duque, at DILG Secretary Eduardo Año.
Dadalo naman sa pagdinig sa pamamagitan ng video conference sina Budget Secretary Weldell Avisado, at Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr.