Mga kautusan ng IATF na pumupwersa sa mga manggagawa na magpabakuna, pinapabawi ni Senator Hontiveros

Pinapabawi ni Senator Risa Hontiveros ang mga resolution ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (IATF) na nag-oobliga ng pagbabakuna sa mga manggagawa.

Diin ni Hontiveros, hindi ito katanggap-tanggap at paglabag din sa ating mga batas.

Paliwanag ni Hontiveros, malinaw sa ating labor laws na iligal na i-hold ang sweldo ng sinumang empleyado nang walang pahintulot.


Giit ni Hontiveros, hindi ito dapat payagan dahil isang araw lang na maantala ang sahod ng manggagawa ay katumbas na ng gutom ng buong pamilya.

Dagdag pa ni Hontiveros, hindi rin tama na ipasagot ang regular na RT-PCR test sa mga manggagawa na tatangging magpabakuna laban sa COVID-19.

Sang-ayon si Hontiveros na dapat kapakanan at kaligtasan ng manggagawa ang isaaalang-alang, pero hindi sila dapat pwersahin o pagbantaan na hindi papapasukin o pasuswelduhin kapag hindi nagpabakuna.

Mungkahi ni Hontiveros, ang dapat ay pagtutulung-tulungan ng gobyerno, employers at employee associations na maengganyo ang mga mangagagawa na magpabakuna sa halip na parusahan.

Facebook Comments