Cauayan City, Isabela- Nagtulong-tulong ang ilang kawani ng lokal na pamahalaan ng Santiago City para magsagawa ng ‘Linis Ilog’ kasabay ng paggunita sa World Oceans Day ngayong araw, May 14,2021.
Pinangunahan ito mismo ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO) na layong maipaalam sa publiko ang maaaring gawin ng isang indibidwal sa pangangalaga sa anyong tubig.
Bahagi ng Water Quality Management Areas ng Enviroment Management Bureau ng Department of Environment and Natural Resources (EMB-DENR) ang ‘Linis Ilog’ kung saan kailangang protektahan ang kalidad ng tubig.
Ayon kay CENRO officer Mario De Guzman II, responsibilidad ng bawat isa ang panatilihing malinis ang ilog na bahagi ng likas na yaman.
Hinimok naman ni De Guzman ang lahat na magtulungan para panatilihing malinis ang tubig at maiwasan ang pagtatapon ng basura sa ilog, mga estero at kanal.