Inalala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga naiambag ng kanilang naging dating kalihim na si Corazon “Dinky” Juliano-Soliman na sumakabilang buhay kahapon.
Inilarawan ng mga kawani ng DSWD si Secretary Dinky bilang napakatalinong social worker at kampeon ng social change.
Namuno ito sa DSWD sa dalawang pagkakataon sa panahon ng administrasyon nina dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at Benigno Simeon Cojuangco Aquino III.
Sa pamumuno noon ni Soliman, pinangunahan nito ang implementasyon ng iba’t ibang programa kabilang na rito ang Kapit Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (Kalahi-CIDSS), ang pangunahing community-driven development (CDD) program ng pamahalaan.
Naipatupad din sa panahon niya ang mga makasaysayang batas katulad ng Magna Carta of Social Workers, Magna Carta for Women, at Anti-Trafficking in Persons Act.
Anila, isang malaking kawalan si Soliman sa larangan ng social welfare service.