Nakahanda ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na umasiste sa Department of Transportation (DOTR) para sa unang araw ng implementasyon ng ‘No Vaxx, No Ride’ policy sa Metro Manila.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni MMDA Chairman Benhur Abalos na lumiham kamakailan sa kaniyang tanggapan si DOTR Sec. Art Tugade upang matulungan sila sa pagpapatupad nito.
Ani Abalos, tutulong sila sa nakatakdang pagpapatupad nito ngayong araw.
Paliwanag nito, ang nasabing polisiya ay pagbibigay lamang ng proteksyon sa mga hindi bakunado at hindi para sila gipitin o tanggalan ng karapatan.
Aniya, napakahalaga ng bakuna bilang proteksyon mula sa COVID-19 dahil base sa mga pag-aaral, mas matindi o malala ang epekto ng virus sa mga hindi bakunado.
Nabatid na ngayong araw, bawal na sumakay ng alinmang public transportation ang unvaccinated individuals.