Magkapatid na Nangangalakal, Tinulungan ng Dalawang Nakaduting Pulis sa Cauayan City

26
Cauayan City, Isabela- Ipinakita ng dalawang nakaduting pulis ang kanilang tunay na pagmamalasakit sa kapwa matapos tulungan ang dalawang batang magkapatid na kapwa nangangalakal sa Lungsod ng Cauayan.

Batay sa ulat ng Cauayan City Police Station, habang nasa duty post ang kapulisan, may dalawang batang lumapit kila PMSg Ventura at PSSg Nabong na sina “Ared”, siyam na taong gulang at “Jasper”, anim na taong gulang na kung saan ay hindi pa raw sila kumakain kaya’t sila’y humingi ng pera para pambili ng pagkain.

Nangangalakal ang dalawang batang magkapatid para raw makatulong sa kanilang mga magulang at sa kanilang maliliit pang kapatid.

Hindi naman nagdalawang isip ang dalawang pulis upang tulungan ang magkapatid kayat binigyan ng mga pulis ng pagkain ang dalawang bata at dinala pa sa barber shop para pagupitan ang kanilang mahabang buhok.

Bukod dito, ginupitan na rin ng mga pulis ang mahabang kuko ng dalawang bata.

Ayon sa dalawang tumulong na pulis, kahit sa konting paraan man lang ay maipadama nila ang kanilang malasakit sa mga bata dahil dama raw nila ang hirap ng dalawang bata na sa kanilang murang edad ay nais na nilang tumulong sa kanilang mga magulang kahit na may pandemya.



Facebook Comments