Sunud-sunod na nag-file ng kandidatura ngayong huling araw ng paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) ang mga matunog na pangalan sa pulitika.
Kabilang sa mga naghain ng kandidatura ngayong araw si dating Vice President Noli de Castro na tumatakbo sa pagka-senador sa ilalim ng tiket nina Manila Mayor Isko Moreno at Dr. Willie Ong.
Naghain din ng COC si dating senador Antonio Trillanes IV sa pagka-senador sa ilalim ng Robredo-Pangilinan tandem.
Ngayong umaga, naghain din ng COC si Atty. Dino de Leon para sa kandidatura ni Senadora Leila de Lima bilang reelectionist.
Naghain din ng COC si reelectionst Senator Sherwin Gatchalian, dating Agriculture Sec. Manny Piñol at ang nakakulong na social media influencer na si Francis Leo Marcos sa pamamagitan ng kanyang kinatawan para sa pagka-senador.
Bago nito ay maaga ring dumating sa Sofitel Manila si vice president at independent presidentiable Leni Robredo para samahan sa paghahain ng COC ang kanyang running mate na si Senador Kiko Pangilinan.
Patuloy rin ang pagdagsa ngayon ng partylist groups at independent senatoriables na naghahain ng CONA at COC.