Mga kilos protestang ikinakasa kasabay ng Labor Day, nananatiling mapayapa ayon sa PNP

Maayos at mapayapa ang nagpapatuloy na mga kilos protesta kasabay ng pagdiriwang ng ika- 121 taon ng Labor Day.

Ito ang kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson PCol Jean Fajardo.

Ani Fajardo, hanggang sa mga oras na ito ay wala namang naitatalang untoward incident ang Pambansang Pulisya.


Kasunod nito, umaasa si Fajardo na magtutuloy-tuloy ang kaayusan hanggang sa matapos ang kaliwa’t kanang pagkilos na kaakibat ng araw ng paggawa.

Aniya, nakatutok si PNP Chief PGen. Benjamin Acorda sa mga kaganapan ngayong araw at mahigpit ang tagubilin nya sa mga awtoridad na maging mahinahon at pairalin ang maximum tolerance.

Tinitiyak din ng PNP na nasusunod ang freedom of expression gayundin ang karapatang pantao ng mga nagsasagawa ng pag-kilos.

Nabatid na nasa 60,000 na mga pulis ang ipinakalat ng PNP ngayong Labor Day sa buong bansa na nakatutok sa freedom parks at iba pang lugar na pinagdarusan ng iba’t ibang demonstrasyon.

Maliban dito, may mga naka-deploy ring pulis sa mga matataong lugar tulad ng mga pasyalan, transportation hubs at iba pang places of convergence.

Facebook Comments