Naglabas ng manifesto of support para kay House Speaker Alan Peter Cayetano ang pitong mga kinatawan mula sa Cavite.
Kabilang sa mga kongresista na lumagda sa inilabas na manifesto sina Congressmen Abraham Tolentino, Jesus Crispin Remulla, Elpidio Barzaga, Strike Revilla, Alex Advincula, Luis Ferrer IV, at Francis Gerald Abaya.
Nakasaad sa manifesto ang pagkakaisa at pagsuporta ng mga mambabatas sa liderato ni Cayetano sa kabila ng pagkakaiba sa political parties at affiliations.
Tinukoy dito na sa unang taon pa lamang na pamumuno ni Cayetano bilang lider ng 18th Congress ay nahigitan pa nito ang 16th at 17th Congress sa dami ng mga naipasang panukala na naging batas gayundin ay nakakuha rin ang Speaker ng 62% approval rating.
Sa ilalim din ng pamumuno ni Cayetano ay naging mabilis ang pag-apruba sa Bayanihan Act bilang suporta sa government efforts para tugunan ang epekto ng COVID-19 pandemic.
Naging multi-partisan din umano si Cayetano sa pagresolba sa mga isyung kinakaharap ng mga kongresista na malayo sa mga nagdaang Kongreso.
Nanindigan ang mga kongresista na si Cayetano ay may sapat na kakayahan, dedikasyon at pamumuno para ipagpatuloy ang socio-economic at political reforms sa ilalim ng Duterte administration.