Nanawagan si Senator Juan Miguel Zubiri sa National Government na agad pakilusin ang mga kina-uukulang ahensya para magsagawa ng malalimang assessment o pag-susuri sa mga istraktura sa mga lugar na tinamaan ng lindol sa Mindanao.
Kabilang sa mga ahensyang tinukoy ni Zubiri ang National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC, Phivolcs, Department of Interior and Local Government o DILG at mga local government units.
Diin ni Zubiri, napakahalagang matiyak na ligtas pa ring gamitin o tirhan ang mga bahay, gusali at iba pang istraktura sa mga lugar na nilindol.
Ayon kay Zubiri, ang mga establishementong hindi papasa sa assessment at building code ay dapat agad i-deklarang condemmed o hindi na maaring gamitin at i-sailalim sa rekonstraksyon.
Mahalaga din para kay Zubiri na mapag-aralang mabuti ang Geo-mapping ng Geo-hazard areas para mabigyang babala ang mga residente sa landslide at iba pang epekto ng kalamidad.
Giit ni Zubiri, dapat ang lahat ay maging pro-active para maiwasan ang mga nasasawi tuwing may kalamidad tulad ng lindol na ilang beses ng tumatama sa parteng Mindanao.