Dahil sa matinding init ng panahon, naglabasan sa kanilang mga lungga ang ilang king cobra sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Sa Quezon Province, tatlo na ang naitalang napatay na king cobra ng mga residente.
Mayroon ring napatay na mga king cobra sa Laguna, Camarines Sur at Saranggani Province.
Umaabot ng walo hanggang siyam na talampakan ang king cobra na itinuturing na top predator.
Sa kabila nito, nababahala naman ang ilang eksperto sa sunod-sunod na pagpatay sa mga king cobra lalo at kakaunti na lang raw ang populasyon nito.
Ayon kay Emerson Sy, na isang herpetologist at wildlife researcher, mainit at tuyo na raw ang mga tirahan ng ahas kung kaya at lumalabas ang mga ito para maghanap ng malamig at ligtas na tirahan.
Malapit na rin raw ang nesting season ng mga king cobra dahilan para maghanap sila ng lugar kung saan maari silang mangitlog.
Giit ni Sy, ng mga eksperto, malaki ang ginagampanan ng king cobra sa pagbalanse ng ecosystem.
Ang mga ito kasi aniya ang kumakain sa mga daga na namemeste sa mga palayan.