Dalawang Tulak ng Droga, Timbog sa Magkahiwalay na Operasyon sa Isabela!

141

*ISABELA- *Bagsak sa kamay ng mga otoridad ang dalawang drug pusher matapos magpositibo sa inilatag na Drug Buy Bust Operation ng PNP Cauayan City at PNP San Manuel sa magkahiwalay na lugar sa Lalawigan ng Isabela.

Una rito, nadakip ang 19 anyos na estudyante na si Ramon Lucernas, residente ng Brgy. Babanuang, San Manuel, Isabela matapos mabentahan ang isang police poseur buyer ng isang ziplock sachet na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana sa halagang P500.00.


Nakumpiska mula sa pag-iingat ni Lucernas ang limang daang piso na marked money, cash na mahigit limang daang piso, isang unit ng cellphone, isang itim na sling bag at mga personal na gamit ng suspek.

Samantala, huli rin sa buy bust operation sa Brgy. District 1, San Manuel, Isabela ang isang lalaki nang makapag benta ng isang sachet ng shabu sa isang poseur buyer.

Nakuha pa mula sa suspek na si William Dela Cruz, 38 anyos, residente naman ng Brgy Sandiat East, San Manuel, Isabela ang tatlong sachet ng hinihinalang shabu, isang folded paper na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana, isang piraso ng P500.00 na buy bust money, dalawang lighter, isang plastic tooter, isang Cal 38 revolver na may kasamang limang bala, isang unit ng cellphone at isang motorsiklo.

Kapwa nasa kustodiya ng kapulisan ang dalawang suspek na mahaharap sa kasong Paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.




Facebook Comments