Ikinalungkot ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang pagpanaw ni Department of Migrant Workers o DMW Secretary Susan “Toots” Ople na masigasig na nagtataguyod sa kapakanan ng mga manggagawa kaya kinikilala ito hindi lamang ng mga labor group sa bansa kundi maging sa ibang bansa.
Nagpahayag naman ng paghanga si Kabayan Party-list Representative Ron Salo sa marubdob na pagsusulong at pagbibigay proteksyon ni Ople sa mga Filipino Migrant Worker.
Ikinalugod naman ni Bagong Henerasyon Party-list Rep. Bernadette Herrera ang matagumpay pagpapatuloy ni Ople sa sinimulan ng kanyang ama na si dating Senate President at Labor Secretary Blas Ople.
Nagpasalamat naman si Rep. Alexie Tutor sa pagsusulong ni Ople sa interes at kapakanan ng libu-libong mga nurse, doktor, engineer, teacher at iba pang Filipino professionals na nagtatrabaho sa Europe, North America, Middle East, Africa, at Asia.
Para naman kay ACT-CIS Party-list Rep. Jocelyn Tulfo, hindi matatawaran ang commitment, passion at dedication ni Ople sa pagsiserbisyo sa bayan at sa mamamayang Pilipino lalo na sa Overseas Filipino Workers (OFWs).
Lubos din ang pagdadalamhati ni OFW Party-list Representative Marissa “Del Mar” Magsino sa pagpanaw ni Secretary Ople na isa aniyang matibay na haligi ng adbokasiya sa pagprotekta sa ating OFWs dala ang legasiya ng ilang dekadang pakikipagbaka para sa karapatan ng ating OFWs, at ang matatag na pamumuno sa DMW.
Para naman kay 1-PACMAN Party-list Representative Rep. Michael Romero na napakalaki ng naitulong ni secretary toots sa paglikha ng DMW na siyang masasandigan ng mga Pilipino sa abroad.